Baril sa bus shooting, ginamit sa iba pang krimen – PNP
MANILA, Philippines — Ginamit na rin sa ibang krimen ang baril na ginamit ng mga suspek sa pagpatay sa mag-live in partner sa loob ng isang bus kamakailan sa Carranglan, Nueva Ecija.
Ayon kay PNP-Public Information Office Chief PCol. Jean Fajardo, natapos na ang Integrated Ballistic Identification System at cross-matching sa mga basyo ng bala na ginamit sa mag-live in na sina Gloria Atillano at Arman Bautista sa loob ng Victory Liner bus nitong Nobyembre 14.
Lumilitaw sa pagsusuri na ginamit din ang baril sa tatlong iba pang pamamaril kabilang na ang isang insidente sa Isabela.
Dahil dito, lumalakas ang posibilidad na gun-for-hire group ang responsable sa pagpaslang sa mga biktima.
Gayunman hindi pa rin inaalis ng PNP na person of interest ang anak ni Atillano.
Patuloy ang pangangalap ng karagdagang ebidensya ng PNP sa pagkakakilanlan ng mga suspek.
Umaasa ang PNP na sa mga susunod na araw ay magkakaroon ng breakthrough sa nasabing kaso.
- Latest