^

PSN Opinyon

Traydor (Part 2)

UNFILTERED - Ben Tulfo - Pilipino Star Ngayon

Nabunyag na ang mapanganib na lihim sa San Simon, Pampanga. Umabot na sa kapitolyo ang sumbong ng mga residente’t magsasaka matapos maipalabas ng BITAG sa telebisyon ang unang bahagi ng aming imbestigasyon.

Laking gulat ng tanggapan ng goberanador at bise-gobernador ng Pampanga na nabigyan ng Mayor’s Permit ang inirereklamong One Sky Aluminum Extrusion Corp. Wala ang mga importanteng dokumento katulad ng Envi­ronmental Compliance Certificate o ECC mula sa DENR.

Kulang na lang sabihin, napakatanga ng Mayor at kaniyang mga konseho para payagan ang planta na maitayo sa kanilang balwarte. Ang resulta, walang pakundangang paglabag sa iba’t ibang uri ng batas.

Sa unang patawag ng kapitolyo nitong nakaraan lamang, marami silang hininging requirement katulad ng waste water treatment plan sa One Sky, subalit tanging Mayor’s permit at Affidavit of Undertaking lang ang naipakita nito.

Ibig sabihin, tahasang pinayagan ng munisipyo na mag­tayo ng pagawaan at tunawan ng aluminum sa kanilang bayan ng walang mga kaukulang inspeksiyon at sertipi­kong ipinapasa.

Lumalabas din, not once, not twice but thrice nang nasususpinde ang Mayor ng San Simon, Pampanga na si Abundio Punsalan Jr dahil sa iba’t ibang katiwalian. Kasalukuyan, anim na buwang suspendido si Mayor Pun­salan, ang kanyang bise-mayor at konseho na ibinaba ng Ombudsman nitong taon lang.

Aba naman Mayor, napapailing ang mga taga-kapi­tolyo dahil kung sila ang tatanungin, hindi lang daw dapat suspensiyon ang naipataw sayo. ‘Yun nga lang ay may hangganan ang kanilang kakayahan kaya’t hanggang anim na buwan lamang ang iyong suspensiyon.

Habang sinusulat ang kolum na ito, kasalukuyang nag-iikot ang aming grupo sa Pampanga. Iniisa-isa ng BITAG ang mga ahensiya ng gobyernong may kinalaman sa reklamong ito.

Ang Department of Agriculture Region 3, kinumpirmang hindi dumaan sa kanilang ahensiya ang deklarasyon ng Municipal Agriculture Officer (MAO) ng San Simon, Pampanga na “non-productive” at “non-irrigated” ang lupaing kinatatayuan ngayon ng planta ng aluminum.

Maging ang National Irrigation Authority Region 3 (NIA-III), hindi nakaabot na sinira o tinambakan ang kanilang pasilidad na ginawang parking lot ng planta.

Sa panayam na ginawa ng BITAG sa representante ng One Sky, inamin nila ang kanilang mga kamalian. Mali raw ang unang kanilang nilapitan sa rehiyon – hindi raw sila nabigyan nang maayos na payo sa kanilang negosyo.

Kung trinaydor ang DA at NIA Region 3, maging ang kapitolyo ng Pampanga, sino ang tinutukoy na maling tanggapang nilapitan ng inirereklamong kompanya sa rehiyon?

Department of Environment and Natural Resources Region 3, susunod na kayo.

vuukle comment

DENR

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with