NorthPort bugbog-sarado sa Magnolia
MANILA, Philippines — Sinolo ng Magnolia ang liderato matapos talunin ang NorthPort, 112-74, sa Season 48 PBA Commissioner’s Cup kahapon sa Smart Araneta Coliseum.
Nagsalansan si import Tyler Bey ng 25 points, 8 rebounds, 6 assists at 2 blocks para buhatin ang Hotshots sa 3-0 baraha.
Ito naman ang unang kabiguan ng Batang Pier matapos ang 2-0 panimula sa torneo.
Tumipa si Mark Barroca ng 17 markers, 4 assists at 2 boards para sa Magnolia at may 16 at tig-11 points sina Paul Lee, Ian Sangalang at Jio Jalalon, ayon sa pagkakasunod.
Nalimitahan si import Venky Jois sa 16 points sa panig ng NorthPort.
Kaagad kinuha ng Hotshots ang first quarter, 28-8, at umarangkada sa third period para ilista ang 82-48 kalamangan mula sa three-point shot ni Aris Dionisio.
Tuluyan nang nabaon ang Batang Pier sa 85-50 galing sa jumper ni Barroca sa unang dalawang minuto ng final canto.
Ikinasa ang Magnolia ang 38-point lead, 106-68, sa huling 4:19 minuto ng labanan para tuluyan nang selyuhan ang dominasyon sa NorthPort.
Nagsumite si Arvin Tolentino ng 22 points para pangunahan ang Batang Pier.
- Latest