17 Pinoy bihag ng Houthi rebels sa Red Sea – DFA
MANILA, Philippines — Kinumpirma kahapon ng Department of Foreign Affairs (DFA) na kabilang ang 17 Filipino seafarers sa mga binihag ng rebeldeng Houthis sa Red Sea.
Ayon sa ulat, may iba pang mga dayuhang crew ng cargo ship ang hostage ngayon ng rebelde mula sa Yemen.
“May 17 na Pilipino ayon sa manning agency… kasama iba’t ibang dayuhan,” pagbabahagi ni DFA Undersecretary Eduardo de Vega.
Hindi ito ang kauna-unahang pagkakataon na nabihag ang Filipino seafarers sa ibang bansa, ani De Vega, tututukan ng pamahalaan kung ang insidente ba ay may kinalaman sa nagpapatuloy na giyera sa pagitan ng Israel at Hamas.
“Nababahala tayo dito. This is not the first time na may na-hostage na ganyan. Meron itong koneksiyon sa giyera ngayon sa Hamas at Israel dahil tinarget nila itong bapor na ito dahil Israeli-owned daw although Japanese ‘yung company,” ani De Vega.
Sinabi pa ng opisyal na pinaghahawakan ng DFA ang sinabi ng hostage-takers na walang dayuhang hostage ang masasaktan.
Nakatakdang magpulong ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan upang pag-usapan ang sitwasyon.
Sa ulat ng Reuters, inilarawan ng Houthis ang cargo ship bilang Israeli. Ang Houthis na kaalyado ng Iran, ay naglunsad ng long-range missile at drone sa Israel bilang pagsuporta sa Hamas militants sa Gaza Strip.
- Latest